Nakibahagi ang Mallig Plains Colleges, Inc. sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang "Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon," at ASEAN Month Celebration 2026 “Navigating the future together” na isinagawa sa bulwagan ng institusyon, Agosto 28, 2026.
Ang programang ito ay pinangunahan ng Supreme Student Council, na may layuning bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapalalim sa wikang Filipino at ang matalinong paggamit ng modernong teknolohiya sa edukasyon.
Dinaluhan ito ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang departamento, mga guro, mga dekano, at mga ehekutibo ng institusyon.
Binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng wikang Filipino at ang matalinong paggamit ng modernong teknolohiya sa edukasyon, na isa sa mga naging pangunahing usapin ng programa, at ang masining at matalim na pagpapahalaga sa wikang Filipino bilang pundasyon ng pambansang pagkakakilanlan.
Tampok din ang iba’t ibang paligsahan na isinagawa na sumubok sa talino, husay, at pagkamalikhain ng mga mag-aaral. Nagkamit ng unang puwesto sa paglikha ng slogan si Cesar Olaco Jr., na mula sa Departamento ng Pagtutuos at Pag-uulat at Pananalapi.
Nasungkit naman ni Jolina Bermejo ng Departamento ng Edukasyon ang gintong medalya sa paggawa ng poster.
Hindi rin nagpahuli ang Departamento ng Teknolohiyang Pang-impormasyon nang maiuwi ni Jasmin Franada ang kampiyonato sa malayang pagtula o Spoken Word Poetry.
Ang pinakahihintay ng bahagi ng programa ay ang Ginoo at Binibining Wika, kung saan pinamalas ng mga kalahok mula sa iba’t ibang departamento ang kanilang husay sa pagganap sa mga karakter mula sa nobelang “Noli Me Tángere” at talino sa pagsagot ng mga katanungan.
Nakamit ni James Wensly Ladia, bilang “Basilio” mula sa Departamento ng Pangangasiwa ng Negosyo, ang titulong Ginoong Wika.
Mula naman sa Departamento ng Edukasyon, si Ricka Mae Balacano, na “Sisa”, ang hinirang na Binibining Wika.
Ang buong programa ay nagpapaalala na kahit mabilis ang pag-unlad ng teknolohiya, dapat nating tandaan na ang AI ay isa lamang kasangkapan.
Ang katalinuhan, kakayahan, at tinig ng mga Pilipino pa rin ang magdadala sa atin patungo sa magandang kinabukasan.
Kaya naman, gamitin natin ang mga bagong teknolohiya nang may responsibilidad, habang patuloy nating pinahahalagahan ang lalim at kayamanan ng ating sariling wika.
📷 Bharon Arellano | Onofre Tagulao